BRGY. TUNGAO, BUTUAN CITY – Isang kabahagi ng Persons with Disability o PWD ang napagkalooban ng pansamantalang hanapbuhay mula sa programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantage/Displaced Workers (TUPAD) mula sa opisina ng DOLE Agusan del Norte noong July 29, 2022.

Si Armando Agad Añora, o mas kilala sa tawag na “Mang Arman”, 47 taong gulang, at residente ng Purok 15, Brgy. Tungao, Butuan City ay kabilang sa mga taong may kapansanan sa buto mula noong siyay ipinanganak. Siya ang panganay sa limang magkakapatid.

Kwento ng kanyang nakababatang kapatid na si Edilberto Añora, si Mang Arman ay likas na masipag sa kabila ng kanyang pisikal na kapansanan. Kaya naman, noong natanggap nila ang balita na isa siya sa mapagkakalooban ng pansamantalang hanapbuhay mula sa programang TUPAD ng DOLE, walang mapaglagyan ang kagalakan nila dahil nabigyan ng kahalagahan sa komunidad ang mga taong katulad ng kanyang kapatid. Sa tulong ng taimtim na pagdarasal at walang kapagurang paglilingkod sa Poong Maykapal sa pamamagitan ng kaniyang kasiyahang magserbisyo sa kanilang kapilya, maituturing itung isang biyaya sa kanyang kapatid na lubos nitong ikinagagalak.

Saad naman ni Gng. Anabelle Añora, isa din sa mga kapatid ni Mang Arman, maluha-luha nyang inilahad ang kanyang kwento ng pasasalamat at sa wakas daw ay natupad na nya ang kanyang simpleng pangarap para sa kanyang Kuya.

Ayon sakanya, dahil sa kahirapan sa buhay, napilitan syang mangibang bansa para makapag-ipon ng kahit kaunting halaga upang mapaunlakan ang kahilingan ng kapatid na makapasyal sa syudad ng Butuan. Ngunit, kaakibat ng paglaganap ng epidemya ang paglaho ng kanyang pag-asang matupad ito sapagkat kinailangan na nyang umuwi ng bansa bagamat wala syang naipong pera.

Datapwat, nang maulinigan nilang sa Butuan City gaganapin ang payout para sa TUPAD na kung saan, isa ang kanyang kuya sa mga benepisyaryung makakatanggap ng halagang Limang Libo at Dalawang Daang Piso o P5,200, laking pasasalamat nya sa Diyos sa biyayang natamo.

Hindi masusukat ang kasiyahang mababakat sa mukha ni Mang Arman nang marating nya ang syudad ng Butuan lalong-lalo na nang sya ay makapasok sa isang napakalaking shopping mall. Animo’y batang paslit ang kanyang pakiramdam nang makita at mahawakan niya si Jollibee na tanging naririnig nya lamang simula noong syay nagkaisip. Ito ang unang pagkakataon sa buong buhay ni Mang Arman na maramdaman ang salitang “pamamasyal”. Gamit ang halagang natanggap mula sa DOLE, nakabili sila ng bagong damit at mabigyan ng pagkakataon na maging bahagi ng sibilisasyon and kanilang mahal sa buhay sa kabila ng kanyang kapansanan. Ikinalulugod nila ang biyayang natanggap at habang buhay nilang tatanawin na utang na loob at walang humpay na pasasalamat para sa mga nakibahagi sa programang ito.

Narito ang pahayag ng pasasalamat ni Gng. Anabelle Añora, “Sobrang nagpapasalamat ako sa programang TUPAD nyo. Tungo ng programa, yung pangarap ko para sa kanya na makarating man lang sa syudad at makapasyal ay natupad. Sa dinanas naming kahirapan ay napapaluha na lang ako. Nagsikap akong mag abroad para matupad ang pangarap naming kaginhawaan, ngunit di ganun kadali. Sa ngayun, hindi pa ako makakabalik dulo’t ng pandemya at wala kasing maiiwan na kasama si kuya ko. Salamat kaayo gyud sa inyong programa. Naghinaot ko na daghan pay PWD na matabangan sa DOLE.”